Patuloy na humihina habang mabagal na kumikilos ang bagyong Betty patungo sa direksiyong hilaga-hilagang-kanluran ng kapuluan.
Ayon sa PAGASA, huling namataan si Betty sa layong 320 km sa silangan ng Itbayat, Batanes na taglay ang lakas ng hanging 120 kph malapit sa gitna at pagbugsong may lakas na 150 kph.
Dahil dito, nananatiling nasa ilalim ng Signal # 2 ang lalawigan ng Batanes habang ang Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, hilaga at silangang bahagi ng Isabela, silangang bahagi ng Ilocos Norte, Apayao, hilagang bahagi ng Kalinga, at ang hilagang-silangan ng Abra ay pawang nasa ilalim ng Storm Signal Warning no. 1.
Nakataas naman ang Gale Warning sa hilaga, central at southern Luzon gayun sa silangang baybayin ng Visayas.
Malalaking alon ang mararanasan sa mga lugar na ito kaya’t pinapayuhan ang lahat ng mga sasakayang pandagat na humimpil muna.