dzme1530.ph

Bagyo o LPA, hindi bahagi ng pamantayan para sabihing magkakaroon ng pagdaloy ng lahar mula sa bulkang Mayon

Hindi bahagi ng pamantayang binabantayan ng Albay Provincial Safety and Management Office (APSEMO) ang bagyo at low pressure area para sabihing magkakaroon ng lahar flow mula sa bulkang Mayon.

Ayon kay APSEMO Chief Dr. Cedric Daep, sa halip na bagyo o LPA ay mas tinututukan nila ang dami ng ibinagsak na ulan bilang batayan.

Aniya, sa tulong ng PHIVOLCS at PAGASA ay namomonitor ng kanilang tanggapan ang kalagayan ng Mayon at agad silang nakapaglalatag ng mga aksyon bago pa lumala ang sitwasyon.

Kabilang naman sa mga indikasyon na panahon nang lumikas sa lugar na nanganganib tamaan ng lahar ay kapag umabot sa 40 millimeters kada oras ang dami ng ibinabagsak na ulan.

Sa oras aniya na umabot ito sa 60 millimeters kada oras ay tiyak na nememeligro ang lugar na tatamaan ng pagdaloy ng lahar.

Nilinaw naman ni Daep na walang dapat ikabahala ang publiko sa mga nagdaang pag-ulan dahil ito ay mahina lamang. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author