Isinailalim na rin sa State of Calamity ang Baguio City dahil sa iniwang pinsala ng bagyong Egay at Habagat na mas pinalakas ng bagyong Falcon.
Sa initial report na inilabas ng Baguio City CDRRMO, pumalo na sa halos P18.5 million ang kabuuang halaga ng pinsala ng mga nagdaang bagyo.
Kabilang na dito ang P5.39 million na pinsala sa electric distribution utility; P4.38 million damage sa imprastruktura; P3.17 million sa mga paaralan at learning materials; at P1.2 million naman sa agriculture sector.
Nakasaad sa resolution 494-2023 na inaprubahan ng Konseho na ang pagdedeklara ng State of Calamity sa lungsod na mahalaga sa pag-access ng mga pasilidad para sa mga additional resources, papabilis sa assistance efforts at magbibigay-daan sa local government na makapagbigay ng suporta sa mga apektadong residente, negosyo, at imprastraktura.
Samantala, sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Baguio dala pa rin ng Southwest Monsoon o Habagat. —sa panulat ni Jam Tarrayo