dzme1530.ph

Bagong Pilipinas, hindi isang political game plan at palihim na partisan coalition, ayon sa Pangulo

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang isinusulong niyang Bagong Pilipinas ay hindi isang political game plan at “partisan coalition in disguise”.

Sa kanyang talumpati sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Maynila, inihayag ng Pangulo na ang Bagong Pilipinas ay walang pinagsisilbihang pampulitikal na interes, dahil ito ay nagsusulong ng totoong pag-unlad para sa kapakinabangan ng lahat.

Sinabi rin ni Marcos na ito ay hindi isang palihim na partisan coalition, at bagkus ito ay nagsusulong ng pagkakaisa ng mga Pilipino anuman ang paniniwala sa pulitika, relihiyon, at kakayanan sa buhay.

Hindi rin umano ito isang “trojan horse” dahil wala itong pinagtatakpang anumang agenda.

Iginiit ng Pangulo na ang Bagong Pilipinas ay hindi isang slogan na binibigkas lamang o bumper sticker na ibinuburda sa damit, dahil layunin nitong maglatag ng mga mithiing dapat makamtan para sa kinabukasan ng bayan.

Nagsisilbi rin umano itong panawagan sa lahat tungo sa transpormasyon ng ekonomiya, pamahalaan, at lipunan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author