dzme1530.ph

Bagong BuCor personnel graduates’, ide-deploy sa iba’t-ibang prison at penal farm sa bansa

May kabuuang 454 na trainees para sa Corrections Basic Recruit Course ang nagtapos sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City, kung saan sila ang naging karapat-dapat para sa deployment sa pitong operating prison and penal farm sa bansa.

Sinaksihan mismo ni BuCor Chief Director General Gregorio Catapang Jr. ang seremonya at parada ng Class 20-2022 graduates’ o kilala bilang MANDATOS o “Manatiling may Dangal at Tapat sa Organisasyon at Serbisyo” na ginanap sa New Bilibid Prison (NBP).

Paliwanag ni Catapang sa mga bagong graduate na sila rin ang tagapagmana ng BuCor kaya dapat ayusin nila ang serbisyo sa pamamagitan ng serbisyong may disiplina at dignidad.

Ang BuCor anya ay nasa reform mode, hindi lamang sa mga taong pinagkaitan ng kalayaan kundi pati na rin sa sariling mga tauhan nito para gawin ito sa loob ng limang taon.

Aminado si Catapang na maraming hamon ang BuCor maging sa istruktura, bagama’t maraming ari-arian ang bureau, kulang ito sa mga pasilidad na nagresulta sa mga siksikan ng mga PDL at nahaharap din umano sila sa problema sa organisasyon dahil sa kakulangan ng mga kuwalipikadong tauhan.

Ang mga nagtapos ay orihinal na binubuo ng 500 recruit subalit 454 lamang ang nakapasa sa pagsasanay mula sa Luzon, Visayas at Mindanao at sila ay binubuo ng mga lisensyadong criminologist, guro, nurse, social worker, engineer, agriculturists, nutritionist, rad technicians, pharmacists, Customs brokers, psychometricians, dalawang arkitekto, limang nagtapos ng Bachelor in Forestry, dalawang nagtapos ng Bachelor in Accountancy, isang nagtapos ng Bachelor in Fisheries at isang nagtapos ng Bachelor in Law.

Dahil dito binigyan diin ni Catapang na ang mga kwalipikado, mula sa Corrections Officer 1, ay maaaring ma-promote sa loob ng anim na buwan sa Corrections Officer 2 upang punan ang mga kakulangan para sa CO2 hanggang sa maabot aniya ang posisyon ng CO4. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author