dzme1530.ph

Bagong batas sa fixed term sa mga opisyal sa AFP, sagot sa tensyon sa loob ng militar

Kumpiyansa si Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada na mapapawi ng bagong batas kaugnay sa fixed term ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinasabing ‘rumblings’ o tensyon sa loob ng militar.

Ginawa ni Estrada ang pahayag makaraang lagdaan na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11903, na nag-aamyenda sa RA 11709.

Ayon sa senador na tumayong sponsor ng panukala sa Senado, ang ginawa nilang pag-amyenda sa batas ay tugon sa panawagan ng mga sundalo na aksyunan ang mga isyu sa kanilang career progression at professional advancement.

Ang batas aniyang ito ay bunga ng dedikasyon at pagkakaisa ng kongreso, Department of National Defense at AFP.

Naniniwala rin ang senador na ang bagong batas ay magkakaroon ng positibo at pangmatagalang epekto sa aspeto ng flexibility, stability at dynamism na umangkop at tumugon sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

Nangako naman si Estrada na tututukan ang pagpapatupad ng batas upang matiyak ang pagiging epektibo nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author