Hindi na irerekomenda ng Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang aplikasyon para sa consolidation ng individual public utility vehicle (PUV) operators para bumuo ng kooperatiba o korporasyon pagkatapos ng April 30 deadline.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na sa tingin niya ay sobra na ang tatlong buwan para makapag-consolidate ang mga nais na makiisa sa PUV modernization program ng pamahalaan.
Tiniyak ni Bautista na hanggang April 30 nalang talaga ang pagpapa-consolidate dahil pang-walong extension na aniya ito.
Kahapon ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ni Bautista na palawigin hanggang katapusan ng Abril ang deadline upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga operator at tsuper na magpa-consolidate. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera