Sa pagharap ng walo sa 12 senatoriables ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa mga mamahayag dito sa Negros Occidental, isa sa pangunahing natalakay ang Jeepney Modernization Program na malaking usapin sa lalawigan.
Nagkakaisa ang mga Alyansa bets na makabubuting makagawa ng paraan na kasabay ng pagsusulong ng modernisasyon ay mapanatili ng mga tsuper ang pagmamay-ari nila sa kanilang mga unit.
Ayon kay dating Senador Panfilo Lacson, kakausapin niya si bagong talagang Transportation Secretary Vince Dizon upang mapag-aralan ang posibilidad na ang ownership ng mga jeep ay nasa mga tsuper pa rin subalit ang magiging requirement para sa kanila ang pagmimiyembro sa kooperatiba.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na sa mahabang mga taon na ginagamit din ang kooperatiba maaaring magkaroon na rin ng internal arrangement sa DOTr at mga organisasyon para sa maitransfer din sa indibidwal na miyembro ang pagmamay—ari sa mga sasakyan.
Sinabi ni Tolentino na ginawa na rin ito dati ng isang taxi company na matapos ang mahabang panahon na pamamasada ay naiaward ang ownership sa mga driver.
Kasabay nito, iginiit ng senador na ang pinakamahalagang bahagi ng modernisasyon ay mapanatili ang iconic design ng mga jeep na kilalang tatak ng Pilipinas.
Ipinunto naman ni dating Senador Manny Pacquiao na marami ang umaayaw sa kooperatiba dahil may mga impormasyon na ilang kooperatiba ay hindi naman talaga binubuo ng mga mahihirap.
Sa impormasyon ng dating seandor, may mga kooperatiba ang binuo ng mayayamang negosyante upang matakasan ang pananagutan sa gobyerno.
Kinatigan din ni Pacquiao ang pahayag na dapat manatili ang disenyo ng jeep ng bansa kasabay ng pagsuporta sa lokal na manufacturer tulad Sarao at Francisco Motors.
Iginiit naman ni dating Interior Secretary Benhur Abalos na bukod sa usapin ng mga kooperatiba, ang pinakamahalaga ay bigyan ng pagpipilian ang mga driver sa pagkukunan nila ng sasakyan.
Sinabi ni Abalos na dahil ito ay kabuhayan ng mga tsuper dapat sila mismo ay bigyan ng pagpipilian dahil seryoso itong bahagi ng kanilang buhay.