dzme1530.ph

Alyansa bets, tinawag ni PBBM na dream team sa Senado

Loading

Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dream team sa Senado ang senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Sa campaign rally sa Pili, Camarines Sur, muling ibinida ng Pangulo ang kakayahan, karanasan at kapabilidad ng 12 administration bets kasabay ng pahayag na hindi na dapat magdalawang-isip ang publiko sa pagboto sa kanilang senatorial candidates.

Tiniyak naman ng Alyansa bets na susuyurin din ang kahit ang mga lugar kung saan sinasabing mahina ang suporta sa administrasyon kabilang na ang Camarines Sur na pinaniniwalaang balwarte ni dating Vice President Leni Robredo.

Sa panliligaw naman sa mga Bikolano, sinabi ni dating Senador Manny Pacquiao na patuloy na susuportahan ang mga programang magpapalakas sa investments sa agrikultura at imprastraktura.

Iginiit ng dating mambabatas na kailangang palawakin ang suporta sa maliliit na negosyo upang makabuo ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Binigyang-diin din ni Pacquiao ang pangangailangang palakasin ang paghahanda ng Bicol region laban sa mga kalamidad lalo’t lagi itong dinaraanan ng bagyo.

Kailangan anyang tiyaking walang maiiwan sa pag-unlad at maisulong ang mga proyektong makatutulong sa kabuhayan ng mga taga-Bicol.

About The Author