Naglalatag na ng iba’t ibang hakbangin ang Armed Forces of the Philippines sa anumang posibilidad na mangyari sa West Philippine Sea.
Kasama na rito ang posibilidad na mauwi sa armadong pag-atake ang resupply mission ng sandatahang lakas sa West Philippine Sea.
Kinumpirma ito ni AFP deputy chief of staff for operations Navy Captain Peter Jempsun de Guzman sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense tungkol sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay de Guzman, naghahanda na sila ng mga nararapat na contigency plans para sa lahat ng mga posibleng mangyari lalo na sa mga ongoing missions sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi naman ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na handa siya at ang mga kasamahan niyang senador na lumaban para sa West Philippine Sea kapag humantong sa armadong labanan ang sitwasyon.
Samantala, ibinahagi rin ni PCG spokesman Jay Tarriela na sa ngayon ay mas nagiging kumpiyansa na ang mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa West Philippine Sea, lalo na sa Ayungin Shoal, dahil nakikita nila ang efforts ng national government at ang presensya ng PCG at ng Phil Navy sa karagatang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News