dzme1530.ph

AFP at PCG, sinaluduhan sa ipinakitang tapang sa resupply mission sa Ayungin Shoal

Sinaluduhan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ipinakitang tapang at paninindigan na ituloy ang resupply mission sa Ayungin Shoal sa kabila ng panibagong insidente ng panghaharass ng China.

Kasabay nito, kinondena ni Zubiri ang panibagong insidente ng pananakot ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa tropa ng Pilipinas.

Kaugnay nito, nananawagan si Zubiri sa Chinese Coast Guard na irespeto ang buhay ng tao at tumalima sa United Nations Convention on the Law of the Sea at international laws para sa ligtas na pagbabiyahe sa karagatan.

Muling tiniyak ng senate leader ang kanyang suporta para sa karagdagang budget ng PCG at AFP upang mas mapalakas ang kanilang pagbabantay sa ating teritoryo laban sa mga illegal na pagpasok at pag-angkin ng mga dayuhan.

Tiniyak din ni Zubiri ang karampatang pondo para sa tropang sundalo at PCG para sa pagpaplakas at pag-upgrade ng mga kagamitang pandagat. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author