Iminungkahi ni Sen. Francis Tolentino ang pagpapatupad ng ‘Adopt a Livestock’ program sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan ng Albay sa gitna ng pag-aalborto ng Bulkang Mayon.
Isinalaysay ni Tolentino na sa karanasan nila sa Taal eruption, ipinatupad ang programa upang mailipat sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop.
Mag-uusap anya ang may-ari at ang aampon sa mga hayop kaugnay sa mga gastusin at posibleng kasunduan.
Matatandaang si Tolentino ang tumayong over-all onsite point person sa pagsabog ng Mayon noong 2018 at Taal noong 2020.
Sa datos, nasa 10,600 na residente sa loob ng permanent danger zone sa Mayon ang inilikas kabilang ang 5,000 katao sa Guinobatan.
Kasabay nito, pinuri ni Tolentino ang mabilis na aksyon ng provincial government ng Albay na nagdeklara ng State of Calamity upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at livestock sa lalawigan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News