dzme1530.ph

Ilang resolusyon sa pagkilala sa yumaong dating Sen. Biazon, inihain sa Senado; Necrological service, inihahanda na

Ilang senador na ang naghain ng resolusyon para sa pagkilala at pakikiramay sa pamilya ng yumaong si dating Senador Rodolfo Biazon.

Inihain nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva at magkapatid na Senators Alan Peter at Pia Cayetano ang Senate Resolutions 652 at 653 sa pakikisimpatya at sinserong pakikiramay ng Senado sa pagpanaw ng beteranong mambabatas.

Inilarawan ni Zubiri si Biazon bilang kampeon at tagasulong ng disente at abot-kayang pabahay gayundin ng seguridad at pandepensa ng bansa.

Samantala, naghahanda na rin ang Senado para sa necrological service na ibibigay kay Biazon sa araw ng Lunes.

Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, sa ngayon, nasa anim na senador ang nagpalista nang magbigay ng eulogy.

Kabilang dito sina Zubiri na magpapadala ng video message habang siya ay nasa Estados Unidos pa, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senate Majority Leader Joel Villanueva , dating Senate President Tito Sotto, dating Senators Gringo Honasan at Joey Lina.

Ipiprisinta sa pamilya Biazon ang resolusyon na naghahayag ng pakikiramay ng senado at kumikilala  sa mga nagawa ng dating senador. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author