Iminungkahi ni dating Speaker at Davao Del Norte Cong. Pantaleon Alvarez na itama ang petsa ng Araw ng Kalayaan mula sa kasalukuyang June 12 tungo sa May 18.
Ayon kay Alvarez, masakit sa kapwa niya Mindanaoan na tanggapin at kalimutan ang tunay na kasaysayan dahil lamang sa tinawag nitong “Tagalog-imposed history.”
Paliwanag nito, June 12, 1898 nang iwagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit Cavite ang bandila ng Pilipinas na naging hudyat ng kalayaan, pero ang katotohanan nagpapatuloy pa rin ang digmaan noon.
Ang totoong araw na nakamit umano ng Pilipinas ang tunay na kalayaan ay noong May 18, 1899, kasunod ng pag-surrender ng huling Spanish general na si Diego de los Rios sa kamay ng Filipino Revolutionary General Vicente Alvarez na naka base sa Zamboanga.
Para kay Cong. Alvarez ito ang tunay na kalayaan dahil sa pagsuko ni Gen. Rios ibinaba ni Gen. Alvarez ang watawat ng Espanya at itinaas ang bandila ng Pilipinas na naging hudyat ng ganap na kalayaan ng Pilipinas. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News