Sa paggunita ng 125th Independence Day ngayong June 12, ipinangako ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, na patuloy na sisikapin ng kanyang departamento na makamtan ang proteksyon at ikabubuti ng bansa sa gitna ng dumaraming mga pagsubok sa Southeast Asian Region.
Sa kanyang mensahe ngayong araw ng kalayaan, sinabi ni Teodoro na kaisa ng mga Pilipino ang DND sa mithiing makamit ang ligtas, mapayapa, nagkakaisa at maunlad na Pilipinas.
Umaasa ang kalihim na patuloy sanang maging karapat-dapat ang bawat isa na maging tagapagmana ng ating mga Bayani at maging responsableng tagapangasiwa ng mga pamana para sa susunod na henerasyon.
Idinagdag ni Teodoro na bilang bagong talagang Defense Secretary, malaking karangalan para sa kanya na ipagdiwang ang araw ng kalayaan bilang bahagi ng organisasyon na nagsisilbi bilang Custodian o tagapag-alaga ng soberanya. —sa panulat ni Lea Soriano