Kung si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang masusunod, hindi niya hahayaang maitalaga sa Drug Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagitong pulis o ang mga patrolman at tinyente.
Sinabi ni dela Rosa na panahon nang i-adjust ng PNP ang kanilang polisiya, kabilang ang vetting system kung sino ang dapat italaga sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG).
Sa gitna ito ng pagkakasangkot ng maraming pulis sa sinasabing cover-up sa P6.7-B shabu bust sa Maynila noong 2022.
Naniniwala ang dating Chief PNP na nagkakaroon ng pagkakataon ang mga bagitong pulis na maging Ninja cops kapag naitalaga agad sa drug enforcement units.
Ang Ninja cops ay tumutukoy sa mga pulis na sangkot sa iligal na kalakalan sa droga na madalas nag-re-recycle ng mga nakumpiskang droga.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni dela Rosa, inamin ni dating PDEG Dir. PBGen. Narciso Domingo na nagkaroon ng lapses sa October 2022 drug bust.
Nasabat sa operasyon ang 990 kilos ng shabu at naaresto ang sinasabing Ninja cop na si dating PMSgt. Rodolfo Mayo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News