Nakatakdang magsagawa ang Department of the Interior and Local Government ng “random” at “unannounced” drug tests sa kanilang attached agencies.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Sports ang Cultural Fest para sa Anti-Illegal Drugs Campaign ng DILG sa Kampo Crame, sinabi ni Sec. Benhur Abalos na maglalabas siya ng circular para sa naturang hakbang.
Ang mga ahensya na nasa ilalim ng DILG ay kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, local government academy, National Commission on Muslim Filipinos, at National Police Commission.
Kasama rin ang National Youth Commission, Philippine Commission on Women, Philippine National Police, at Philippine Public Safety College.
Inihayag ni Abalos na kabilang sa sanctions o parusa para sa mga pagpo-positibo sa iligal na droga ay maaring pagkakasibak sa trabaho.
Una nang hinamon ng kalihim ang mga kandidato sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections na sumailalim din sa drug tests. —sa panulat ni Lea Soriano