Nag-alok ang Presidential Task Force on Media Security ng P50,000 pabuya, sa anumang impormasyon para sa ikadarakip ng suspek sa pamamaslang sa radio broadcaster sa Oriental Mindoro na si Cresenciano ‘Cris’ Bunduquin.
Ito ay kasabay ng pakikiramay ng Media Task Force kasama ng Presidential Communications Office at Dep’t of Justice, sa naiwang pamilya at mga kaibigan ng pinatay na mamamahayag.
Sinabi ng task force na ang P50,000 na reward ay mula sa tulong ng isang nagmamalasakit na indibidwal na tumangging magpakilala.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PCO sa pamilya ni Bunduquin upang mabigyan sila ng tulong mula sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno, partikular mula sa Dep’t of Social Welfare and Development.
Bukod dito, itinuturing na rin ang krimen bilang ‘work-related’.
Hinihikayat naman ang mga kawani ng media na huwag magpalutang ng mga ispekulasyon at sa halip ay makipagtulungan na lamang para sa mabilis na resolusyon ng kaso. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News