Sa botong 285-0-1, sinuspinde ng Kamara si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. ng panibagong 60- day at tinanggalan ng lahat ng kanyang Committee memberships sa mababang kapulungan ng kongreso.
Si Teves ay Vice Chairperson ng Committee on Games and Amusements at miyembro ng Committees on Legislative Franchises at Nuclear Energy.
Batay ito sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges, na ina-dopt ng Kamara bago mag-adjourn ang 1st Regular Session ng 19th Congress.
Tinukoy ng panel ang patuloy na unauthorized absences ni Teves na pinalala ng kanyang nabigong kahilingan na makakuha ng political asylum sa Timor-Leste dahilan para hindi na nito magampanan ang kanyang mga tungkulin.
Si Speaker Martin Romualdez ang itinalaga bilang legislative caretaker ng distrito mula May 31 hanggang July 30, 2023 sa panahong suspendido si Teves.