5 pang suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ang bumawi ng kanilang mga naunang testimonya, kasabay ng pagbubunyag na tinortyur sila kaya nila nilagdaan ang kanilang Affidavits.
Ang mga nag-recant ng kanilang statements ay kinabibilangan nina Winrich Isturis, Eulogia Gonyon Jr., John Louie Gonyon, Joric Labrador, at Benjie Rodriguez.
Sinabi ni Atty. Jord Valenton, legal counsel ng limang suspects, na ang recantations ay nakapaloob sa kanilang motions na inihain nila noong Martes.
Aniya, tinortyur at pinilit ang limang suspects para gawin ang una nilang mga affidavit.
Idinagdag ni Valenton na hindi matukoy ng kanyang mga kliyente kung sino ang mga nanakit sa kanila dahil nakapiring ang kanilang mga mata, at nangyari ito habang sila ay nakakulong.
Una nang nagbawi ng kanilang mga naunang testimonya noong nakaraang linggo sina Osmundo Rivero, Rogelio Antipolo Jr., Dahniel Lor, Romel Pattaguan, at Joven Javier.
Nangangahulugan ito na lahat ng 10 suspek sa krimen ay nagbawi na ng kanilang mga naunang salaysay at iginigiit ngayon na wala silang kinalaman sa pagpatay kay Degamo. –sa panulat ni Lea Soriano, DZME News