Inaprubahan na ng Senado sa 2nd, 3rd and final reading ang ipinapanukalang Maharlika Investment Fund.
Alas-2:32 ngayong madaling araw nang magbotohan ang mga senador sa 3rd and final reading at tuluyang inaprubahan ang panukala sa pamamagitan ng botong 19 na pabor, isang tutol at isa ang nag-abstain.
Tumutol sa panukala si Sen. Risa Hontiveros habang nag-abstain si Sen. Nancy Binay at wala naman sa botohan sina Senators Imee Marcos, Chiz Escudero at Koko Pimentel.
Sa inaprubahang bersyon, tinanggal ang probisyon na nagpapahintulot sa mga government financial institutions (GFIs) at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCS) na mag-invest sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Sa gitna ito ng mga mosyon nina Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Raffy Tulfo at Pia Cayetano na amyendahan at ilagay ang probisyon na titiyak na hindi magagalaw ang pension funds ng mga government at private sector employees.
Kasama sa probisyon ng mga senador ang phrase o kataga na ipagbabawal ang pag-i-invest ng GSIS, SSS, PhilHealth, OWWA, PVAO at PAGIBIG sa MIF, mandatory man ito o boluntaryo.
Samantala, itinakda ngayong alas 11 ng umaga ang Bicam conference committee meeting na dadaluhan nina Sen. Mark Villar kasama sina Sens. Pia Cayetano, Ronald Dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Alan Peter Cayetano at Aquilino “Koko” Pimentel III sa panig ng Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News