Tinapos na ng Senado ang period of interpellation sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Ito ay makaraang magmosyon ang mismong sponsor ng panukala na si Sen. Mark Villar na isarado na ang Period of Interpellation at talakayin ang iba pang isyu sa Period of Amendments.
Ang apela ay ginawa ni Villar bilang pagtutol naman sa unang mosyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na suspindihin muna ang kanyang interpelasyon at ipagpatuloy na lamang ito ngayong araw.
Gayunman, sinabi ni Villar na sa paniniwala niya ay nasagot na niya ang lahat ng katanungan maging ang mga paulit ulit na isyu kaugnay sa panukala.
Sinabi naman nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva na nakasaad sa kanilang rules na prerogative ng sponsor na hilinging isarado na ang interpelasyon at tumanggi na sa iba pang mga katanungan.
Inalmahan naman ito ng minorya at umapela pa si Sen. Risa Hontiveros sa sponsor na pagbigyang talakayin nang masusi ang panukala dahil ito ay napakahalaga para sa bayan.
Sa puntong ito nagbotohan na ang mga senador at sa botong 11-2, natalo ang mosyon ni Pimentel na suspindihin lang ang interpellation at nanalo ang mosyon ni Villar na tapusin na ito.
Ngayong araw ay sisimulan na ang period of amendments sa MIF subalit bago ito ay inaasahang magbibigay ng turno en contra speech si Pimentel.
Sa gitna nito, iginiit ni Zubiri na target pa rin nilang maipasa sa 3rd and final reading ang MIF bill ngayong huling linggo ng sesyon.
Nag adjourn ang session ala-1 ng madaling-araw na personal na sinaksihan ng mga miyembro ng economic team at muling magbubukas mamayang alas tres ng hapon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News