Inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang apat na panukala, kabilang ang tatlong priority bills sa pamamagitan ng Unanimous vote na 24-0.
Kabilang sa mga inaprubahan ang Senate Bill 2035 o Trabaho Para sa Bayan Bill, Senate Bill 2219 o ang Extension ng Estate Tax Amnesty at ang Senate Bill 2212 o ang Regional Specialty Hospitals na pawang kasama sa priority bills ng administrasyon.
Kasama rin sa inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Bill 7185 o ang pagbibigay ng Philippine Citizenship kay Kyle Douglas Jennermann.
Layun ng Trabaho para sa Bayan Bill na magkaroon ng long-term master plan para sa employment generation at recovery ng bansa.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na layun ng panukala na matugunan ang job-skills mismatch na nararanasan lalo na ng mga fresh graduates ngayon.
Aamyendahan naman ng Senate Bill 2219 ang Republic Act 11213 o ang Tax Amnesty Law para maiurong ang deadline ng pagkuha ng estate tax amnesty sa June 14, 2025.
Habang nakasaad sa Senate Bill 2212 ang pagtatatag ng Specialty Centers sa mga regional hospitals upang hindi na kinakailangang lumuwas sa Metro Manila ang mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News