Nalito ang mga mamayan ng Lungsod ng Maynila sa inalabas na Thunderstorm Advisory sa social media ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila kahapon.
Sa naturang abiso, nakararanas umano ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan ang Lungsod ng Maynila na maaaring magtagal ng isa hanggang dalawang oras pero alas-2:50 ng hapon kahapon, wala namang nararanasang ulan doon.
Maging ang mga pulis sa Jose Abad Santos PNP Station na nasa hilagang bahagi ng Maynila ay nagkumpirmang wala naranasang pag-ulan o kahit na pag-ambon.
Depensa ni Atty Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, galing sa Manila DRRMO Meteorologist ang abiso hingil sa lagay ng panahon at apektado nito ang hilagang bahagi ng Maynila na tumagal ng 15 minuto.
Iginiit pa ni Abante na ipinalabas ang abiso upang makapaghanda ang publiko sa maaaring maging epekto ng pabagu-bagong panahon sa Lunsod.
Makaraan ang ilang oras, tinanggal na ng Manila MDRRMO at Manila Public Information Office ang weather post kahapon. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News