Nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order no. 28 na magtatatag ng Inter-Agency Committee na tututok sa problema sa inflation rate.
Sa EO no. 28, binuo ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook na tutukoy sa main drivers o mga nagtutulak sa inflation tulad ng pagkain at enerhiya.
Pag-aaralan din nito ang supply-demand situation sa essential food commodities tuwing panahon ng ani, at pag-assess sa epekto ng natural at man-made shocks.
Babantayan din nito ang global, regional, at domestic issues na maaaring maka-apekto sa presyo ng mga produkto, at magbibigay din ito ng mga rekomendasyon upang mapahupa ang inflation at maitaguyod ang food security.
Magsisilbi rin itong Advisory Body ng Economic Development Group, para sa pagbuo ng mga hakbang na magpapanatili ng inflation rate sa target range ng gobyerno.
Magsisilbing Chairman ng Inter-Agency Body on Inflation ang NEDA Sec., Finance Sec. bilang Co-Chair, at Budget Sec. bilang Vice-Chair, habang magiging miyembro ang mga kalihim ng Dep’t of Agriculture, Energy, Science and Technology, Trade, at Interior and Local Gov’t.
Bukod dito, sa ilalim ng EO ay ni-reorganize rin ang economic development cluster at pinalitan na ito sa tawag na Economic Development Group (EDG). —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News