dzme1530.ph

Minorya sa Senado, gagawin ang lahat para hadlangan ang approval ng Maharlika Investment Fund Bill

Handa ang Senate Minority bloc na gawin ang lahat upang mahadlangan ang approval ng Senado sa isinusulong na Maharlika Investment Fund Bill.

Sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na tututulan nila ang sertipikasyon bilang urgent sa Maharlika Investment Fund (MIF) bill na anya’y magbibigay ng pinsala sa halip na benepisyo sa taumbayan.

Tiniyak naman ni Pimentel na anuman ang kanilang gagawin ay alinsunod pa rin sa kanilang rules and regulations at idaraan sa tamang proseso.

Nanindigan ang senador na hindi maituturing na urgent ang panukala kasabay ng paalala na ang sovereign wealth fund sa Norway ay dumaan sa 12 taong debate at konsultasyon.

Nanindigan ang senador na mali ang konsepto ng Maharlika Fund lalo na’t wala namang windfall revenue o kita nag gobyerno na maaaring ilaan sa sovereign fund.

Ngayong araw anya ay hihingi sila ng pagkakataon upang makapa-interpellate sa panukala at bago ang period of amendments ay magdaraos sila ng contra speech sa pagbabasakaling mahikayat pa ang ibang kasama na huwag suportahan ang panukala. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author