Hindi pa rin sapat ang halos P900-B na budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong ito para maisakatuparan ang kanilang “MATATAG Agenda.”
Pahayag ito ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa kanyang talumpati sa DepEd Partners Convergence na ginanap sa National Museum of Natural History.
Ito ay sa kabila nang ang DepEd ang may pinakamataas na budget allocation na P895.2-B, kabilang ang P678.3-B para sa basic education.
Sinabi ni VP Sara na kulang pa rin ang national budget allocation para sakupin ang lahat ng requirements na kailangan upang maabot ang kanilang MATATAG Agenda.
Noong Enero ay inilunsad ng DepEd ang MATATAG Agenda, kung saan nakapaloob ang pag-hire ng karagdagang mga guro at pagtatayo ng mas maraming classrooms.
Kabilang din sa agenda ang pagtatayo ng disaster-resilient schools, pagpapalakas sa literacy at numeracy programs, at pagre-review sa Mother Tongue-Based Multilingual Education. —sa panulat ni Lea Soriano