dzme1530.ph

PCO, inilunsad ang libreng pahayagan na “The Philippine Gazette”

Inilunsad ng Presidential Communications Office – Bureau of Communications Services ang “The Philippine Gazette”, na isang libreng pahayagan na naglalaman ng mga balita kaugnay ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr..

Simula kahapon araw ng Miyerkules, May 24, ipinamigay na ang mga kopya ng the Philippine Gazette sa mga piling istasyon ng LRT2 at PNR kabilang sa LRT-2 Recto, Cubao, at Santolan Station, at PNR Tutuban.

Makakakuha rin ng kopya nito sa Manila North Harbor Terminal at Victory Liner Terminal sa Pasay City.

Ayon sa PCO, ang The Philippine Gazette ang magsisilbing tulay upang maihatid sa mga Pilipino ang mga impormasyon kaugnay ng mga programa at proyekto ng administrasyon.

Kabilang sa mga tampok na balita sa frontpage ng unang issue ng The Philippine Gazette ang target na 1-M pabahay ng gobyerno, pagiging numero uno ng Pilipinas sa Asya sa GDP Forecast, mas maraming Kadiwa Centers na itatayo sa bansa, State Visit ng Pangulo sa America, at pagbawi ng turismo mula sa pandemya. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author