Pinaplano na ng pamahalaan na bumuo ng sariling agricultural machineries na makapagpapaunlad sa kagamitan at pasilidad ng mga lokal na magsasaka sa lahat ng lalawigan sa bansa.
Ayon sa Dep’t of Agriculture – Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), nakahanda na sila sa pagpapatayo ng Agricultural Mechanization Design and Prototyping Center (AMDPC) kung saan bubuuhin ang mga makinarya sa tulong ng Korea International Cooperation Agency (KOICA).
Dahil dito, tiwala si PhilMech Executive Director Dionisio Alvindia na mapabibilis ang pagpaparami ng mga abot-kayang produktong agrikultural sa bansa gayung magkakaroon ng sarili, mura at de kalidad na kagamitan ang mga magsasaka.
Bukod pa rito, asahan din aniyang makalilikha ito ng mas marami pang trabaho na posibleng maging dahilan upang hindi na maisipan ng mga magsasaka na mangibang bansa.