Guilty ang hatol ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 17 kay Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” sa kasong perjury kaugnay ng akusasyon nito laban sa tatlong human rights lawyers na bahagi umano ng plano na patalsikin si noo’y Pang. Rodrigo Duterte.
Si Advincula ay pinatawan ng parusa na hanggang isang taong pagkabilanggo.
Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo na inihain ng mga abogado mula sa Free Legal Assistance Group (FLAG) na sina Jose Manuel “Chel” Diokno, Lorenzo Tañada III, at Theodore Te.
Noong 2019 ay inakusahan ni Advincula ang tatlo na bahagi ng “Project Sodoma,” na sinasabing plano ng oposisyon para patalsikin sa kapangyarihan si Duterte.
Tinukoy ni Bikoy ang iba pang opposition members na kasama sa plano, gaya nina noo’y Vice President Leni Robredo at ang tinaguriang “Otso Diretso” senatorial candidates. —sa panulat ni Lea Soriano