Ilang minuto pa lamang nagsisimula ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa nasabat na 990 kilos ng shabu sa lungsod ng Maynila noong October 2022, dalawang resource person na ang na-cite for contempt ng mga senador.
Maagang na-cite for contempt sina PMSgt. Rodolfo Mayo at ang kanyang superior na si PNP-Drug Enforcement Group head. Lt. Col Arnulfo Ibanez.
Bagamat nakakulong na si Mayo, hinala ni Sen. Ronald Bato dela Rosa ay anumang oras ay maaari itong makawala dahil magaling ang kanyang abogado kaya’t pina-contempt niya ito.
Ito ay upang agad din siyang aarestuhin at ikukulong sa Senado sa sandaling makalabas sa kustodiya ng PNP.
Bago ang contempt, sinubukan pa ng mga senador na mapiga si Mayo at makunan ng mga impormasyon subalit paulit-ulit nitong ininvoke ang kanyang right to remain silent.
Ilan sa mga tanong ni Sen. Raffy Tulfo ay kung saan nanggaling ang nahuling 990 kilos ng shabu, kung mula ba ito sa raid o may nahuhuli at kinukupit na shabu o imported.
Tinanong din si Mayo kung saan galing ang mga shabu na nakuha sa lending company nito.
Nacontempt naman si Ibanez dahil hindi kumbinsido ang mga senado na wala syang alam na may lending company si Mayo at kung kaya nyang mag-accumulate ng halos isang toneladang shabu na sya lamang.
Sinabi ni dela Rosa na kumbinsido siyang may cover up para hindi masama si Mayo sa mga kakasuhan pero hindi ito nagtagumpay dahil nakasuhan din ang police officer. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News