dzme1530.ph

3 pang suspek sa Degamo case killing binawi ang mga naunang salaysay sa DOJ

Nadagdagan pa ang bilang ng mga suspek na binawi ang kanilang mga pahayag sa mga nauna nilang affidavit na may kaugnayan sa pagkamatay ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ayon sa abogado ng tatlong iba pang suspek na si Atty. Danny Villanueva nagpasa na sila ng Affidavit of Recantation via Online sa Department of Justice (DOJ).

Aniya, nais kasi ilahad nina Rommel Pattaguan, Rogelio Antipolo Jr. at Dhaniel Lora na wala talaga silang kinalaman sa pagkamatay ni Degamo at ng iba pa.

Dagdag pa ni Atty. Villanueva, hindi kusang loob ginawa ng tatlo ang kanilang naunang salaysay dahil tinakot sila noon na gawin ito.

Sinabihan rin sina Pattaguan, Antipolo at Lora na hindi sila isasabit sa kaso o kung isama man ay magaan lamang ang parusa.

Bukod dito, hindi rin daw malalagay sa panganib ang kanilang pamilya at magiging payapa ang buhay kung susunod sila sa mga ipinag-uutos.

Iginiit pa ni Atty. Villanueva, naghain na rin sila ng mosyon para isailalim sa medikal ang kaniyang mga kliyente lalo na’t unang umamin si Jhudiel “Osmundo” Rivero na tinorture at pinilit lamang siya ng pulisya na ituro si Cong. Arnolfo Teves Jr. na siyang nag-utos na patayin si Degamo.

Matatandaan na si Rivero ang isa sa mga suspek na siyang unang nagbaligtad ng salaysay hinggil sa partisipasyon nito sa Degamo killing. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News 

About The Author