dzme1530.ph

Delay sa mga proyekto ng NGCP, sisilipin ng senado

Dismayado si Senate Committee on Energy Vice Chairman Sherwin Gatchalian sa patuloy na pagkakaantala ng 16 na transmission projects ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sinabi ni Gatchalian na sa 16 na Energy Projects of National Significance (EPNS), anim lang ang natapos na kumakatawan sa 37.5% completion rate hanggang noong Marso 2023.

Ang masakit anya rito ay kahit delayed ang proyekto ay patuloy ang koleksyon ng NGCP sa mga consumers para sa mga naantalang transmission projects.

Binigyang-diinni Gatchalian na ang kabiguan ng NGCP na matapos ang mga proyekto sa takdang oras ay nagdudulot ng abala sa pagbuo at operasyon ng mga generation facility na nakakaapekto naman sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa.

Sa impormasyon ng senador, nasa tatlo hanggang limang taon nang delayed ang mga proyekto.

Dahil dito inihain na ni Gatchalian ang Senate Resolution 616 para maimbestigahan ang delay at matiyak ang maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.

Ibinunyag pa ng senador na sa 168 na proyekto sa ilalim ng Transmission Development Plan, hindi kasama ang 56 na proyekto na nasa pre-construction stage, 30 na proyekto pa lamang ang natapos habang 138 na proyekto ang naantala.

Partikular na tinukoy ng senador ang Mindanao-Visayas Interconnection Project na may full transfer capacity na 450 megawatts (MW), at nakatakda sanang mag-operate noong Disyembre 2020. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author