Nagbitiw na si Vice President at Education sec. Sara Duterte bilang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), epektibo ngayong araw.
Sa statement na inilabas ni VP Sara, nagpasalamat siya sa suporta ng lahat ng mga miyembro ng partido na minsang nagpakita ng pagkakaisa para isulong ang pangarap para sa mga Pilipino at sa bansa.
Bagama’t hindi binanggit ang dahilan ng pag-alis sa partido, sinabi ng bise presidente na ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa kanya na mamuno sa bansa ay hindi basta malalason ng “political toxicity” o masira ng “excrable political powerplay.”
Kasunod nito, nanawagan din si Duterte sa lahat ng pinuno na pagtuunan ng pansin ang gawaing dapat gawin at mag-iwan ng pamana ng isang malakas at matatag na bayan.
Binigyang-diin pa ni Duterte ang kahalagahan sa kanya ng paglilingkod sa mga Pilipino at sa bansa sa pamumuno ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa huli, hinimok ni VP Sara ang publiko na magtiwala sa kanyang salita at iginiit na ang kanyang pangako ay hindi mababago.