Pinaplano nang ipatupad ng Dep’t of Agriculture sa huling bahagi ng taon ang Memorandum Order no. 32 kaugnay ng paggamit ng biofertilizers sa bansa.
Sa laging handa public briefing, inihayag ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na sa Oktubre o Nobyembre ay maaari nang simulan ang large-scale promotion ng programa.
Sinabi pa ni Sebastian na ngayong taon ay tututukan muna ng gobyerno ang procurement o pagbili ng biofertilizers, at sa susunod na taon ay ipamamahagi na ang vouchers sa mga magsasaka na kanilang gagamitin upang makabili at makapili ng gusto nilang uri ng biofertilizer.
Kasabay nito’y muling tiniyak ni Sebastian na layunin ng paggamit ng biofertilizers na maitaguyod ang “balanced fertilization” para mapanatili ang maayos na kalidad ng lupa.
Matatandaang ikinabahala ng ilang grupo ng mga magsasaka ang biofertilizer program na maaaring magbunga na naman umano sa isang “fertilizer fund scam.”
Tiniyak naman ng DA na may mga binuong guidelines para sa praktikal na paggamit sa biofertilizers upang maiwasan ang anumang iregularidad. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News