Mahigit 30 produkto ng Pilipinas ang kinilala ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) na may potensyal sa pandaigdigang merkado.
Kabilang ang mga pagkain tulad ng mangga mula sa Guimaras na tinaguriang “Sweetest mangoes in the world,” pili nuts ng Bicol, kapeng barako ng Batangas, at mga hinabing produkto o handicrafts mula sa Antique, Aurora, Samar, Basilan, Zamboanga, at iba pa.
Ayon kay IPOPHL Atty. Joan Estremadura, ang mga produktong ito ay posibleng maging potential registrants sa Geographical Indication (GI) na tumutukoy sa trademark o brand na nakabase sa geographical location sa isang rehiyon o lokalidad.
Aniya, ang geographical indicators ay ginagamit din ng ibang bansa upang ipakita ang mataas na kalidad ng kanilang produkto sa pandaigdigang merkado.
Una nang bumalangkas ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng geographical indications ang IPOPHL upang palakasin ang mga produktong Pinoy sa ibang bansa. —sa panulat ni Airiam Sancho