Inilatag na sa plenaryo ng Senado ang panukala na pagtatayo ng Regional Specialty Centers sa buong bansa na isa sa mga binanggit na prayoridad ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address.
Inisponsoran ni Sen. Bong Go sa plenaryo ang Senate Bill No. 2212 na nagmamandato ng pagkakaroon ng specialty centers sa mga DOH run hospital.
Sinabi ni Go na bagama’t patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na maiangat ang kalidad ng serbisyong medikal sa bansa, limitado pa rin ang specialized health care services tulad ng serbisyo ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute at Philippine Children’s Medical Center na pawang matatagpuan sa Metro Manila.
Bilang co-sponsor ng panukala, kumpiyansa si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na kung maisasabatas ang panukala ay makapagtatayo na ng mga regional specialty centers sa mga lalawigan sa susunod na limang taon.
Sinabi naman ni Sen. Sonny Angara na sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga regional specialty centers ay mas mailalapit sa taumbayan partikular sa mga rural areas ang serbisyong kinakailangan nila para sa kalusugan.
Sa pamamagitan rin anya nito ay magkakaroon na ng iba pang lugar ang mga ispesyalista sa bansa kaya’t mas mailalapit sa taumbayan ang serbisyo medikal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News