Nais ni Sen. Risa Hontiveros na papanagutin sa kasong economic sabotage ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na nakikipagsabwatan sa mga agricultural smugglers.
Sa kanyang Senate Bill No. 2205, nais ni Hontiveros na amyendahan ang mga probisyon ng Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act upang i-criminalize ang mga government employees and officials na mapatutunayang nakikipagkuntsaba sa large-scale agricultural smugglers.
Pinuna ng senadora na simula nang ipatupad ang batas noong 2016, wala pa ring napapanagot sa kasong agricultural smuggling kahit marami na ang mga nasasabat na smuggled products.
Alinsunod sa panukala, ang anumang aksyon ng public employee o officer na magbibigay go signal sa importasyon ng mga produkto nang walang import permit ay idedeklarang sangkot sa economic sabotage.
Tinukoy pa ng mambabatas ang iniimbestigahang importasyon ng tone-toneladang asukal kahit wala pang inilalabas na sugar order.
Nakasaad sa panukala na ang iregular na approval o pag-iisyu ng lisensya, declaration, clearance, o permit ay ikukunsidera nang economic sabotage at papatawan ng life imprisonment at multang doble ng halaga ng smuggled agricultural product, kasama na ang mga buwis, duties, at iba pang bayarin. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News