dzme1530.ph

DICT, nagbabala sa bagong modus ng mga scammer sa harap ng pinalawig na SIM Registration

Nagbabala ang Dep’t of Information and Communications Technology kaugnay ng mga bagong uri ng panloloko ng mga scammer na sinasamantala ang pinalawig na SIM registration upang makapambiktima sa huling pagkakataon.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni DICT sec. Ivan John Uy na dumami na naman ang mga text scam mula nang i-extend ang SIM registration.

Karamihan sa kanila ay nagbago na ng diskarte, kabilang ang mga text message na nagtatanong sa subscriber kung nakapagpa-rehistro na ba ito ng SIM, at kung hindi pa ay dadalhin nila ito sa mga pekeng website sa pamamagitan ng mga link para kunwaring magpa-rehistro, at dito na makukuha ang kanilang mga personal na impormasyon.

Bukod dito, may mga text message din na sasabihin sa biktima na kailangan ulit nilang ipa-rehistro ang kanilang e-wallets para magamit ito, kung sila ay nagpa-rehistro na ng SIM.

Nilinaw ni Uy na walang magbabago sa oras na magpa-rehistro ng SIM, at magagamit pa rin ng users ang kanilang e-wallets.

Muling hinikayat ng DICT ang publiko na magpa-rehistro na ng SIM upang maiwasan ang mga ganitong panloloko. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author