dzme1530.ph

SIM Registration, makatutulong laban sa fake travel bookings —DICT

Naniniwala ang Dep’t of Information and Communications Technology na malaki ang maitutulong ng SIM registration sa inaprubahang National Tourism Development Plan (NTDP).

Sa press briefing sa palasyo, inihayag ni DICT sec. Ivan John Uy na partikular na makatutulong ang SIM registration na masawata ang mga fake booking sa mga hotel, resort, at iba pang destinasyon.

Sinabi ni Uy na karamihan sa fake travel bookings ay isinagawa sa pamamagitan ng mga website.

Kaugnay dito, ipina-alala ng kalihim na kung rehistrado na ang SIM ng mga nasa likod ng fake booking, madali nang matutukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Mababatid na sa ilalim ng SIM registration ay kinukuha ang personal na impormasyon ng isang user kabilang ang kanyang “selfie”, at idinidikit ito sa kanyang SIM number.

Kabilang sa mga adhikain ng National Tourism Development Plan ay ang digitalization at paglalagay ng internet connection sa tourist destinations sa bansa. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

 

About The Author