Nagbabala si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero laban sa reaquiring o muling pagbili ng mga dating pag-aari ng gobyerno na naibenta na sa pribadong kumpanya.
Sinabi ni Escudero na posibleng mawalan ng gana ang mga foreign investors kung gagawin ito ng pamahalaan.
Ginawa ni Escudero ang pahayag bilamg reaksyon sa panukala ng ilan na i-buy back o bilhing muli ng estado ang 40% share ng Chinese investors sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)
Sinabi ni Escudero na hindi niya susuportahan ang suhestyon hanggat hindi ito napag-aaralang mabuti.
Bukod anya sa magastos ay magdudulot pa ng hindi magandang impresyon sa bansa ang posibleng buy back.
Dapat din anyang isaalang-alang kung nais ng mga kasalukuyang may-ari ng shares na ibenta ang kanilang bahagi at kung saan kukunin ang pondong pambili gayung lubog sa utang ang bansa.
Kinuwestyon naman ni Escudero ang kapabilidad ng NGCP na ayusin ang suplay ng kuryente sa bansa sa gitna ng mga power outages sa iba’t ibang rehiyon.
Kasabay nito, binigyang-diin ng mambabatas na dapat magkaroon ng expert determination sa tunay na dahilan ng power outages at ito ang hanapan ng solusyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News