dzme1530.ph

Panukala para sa dagdag na disability pension ng military veterans, lusot na sa Senado

Lusot na sa Senado ang panukalang magtatakda ng 350 hanggang 488% na pagtaas sa disability pension ng mga beterano at kanilang mga benepisyaryo.

Inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Bill No. 1480 na iniakda ni Sen. Jinggoy Estrada na ang layunin ay i-upgrade ang buwanang pensyon ng mga beteranong na-disabled bunsod ng pagkakasakit, pagkakasugat o pinsalang natamo habang sila ay nasa tungkulin.

Iginiit ni Estrada na matagal nang dapat naisabatas ang panukala na inaabangan ng mga beteranong may kapansanan at nasugatan sa tungkulin dahil inabot na ng 29 na taon ang umiiral na rates.

Binigyang-diin ng senador, na ito ay isang paraan ng pagpupugay sa mga beteranong sundalo na naglingkod at nagtanggol sa bansa noong kanilang kalakasan.

Sa ilalim ng SB 1480 o ang proposed Rationalizing the Disability Pension of Veterans, ang base rate ng disability pension ay itataas sa P4,500 mula sa kasalukuyang natatanggap nila na P1,000.

Ang mga kasalukuyang tumatanggap ng buwanang disability pension na P1,200; P1,300; P1,400; P1,500; at P1,600 ay magiging P6,100; P6,900; P7,700; P8,500, at P9,300.

Samantala, ang kasalukuyang P1,700 na buwanang pensyon na may pinakamataas na disability rating ay magiging P10,000 habang ang P500 na buwanang pensyon para sa asawa at mga menor de edad na anak ay gagawin ng P1,000. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News 

About The Author