Naniniwala si Senate Committee on Basic Education Committee Chairman Sen. Sherwin Gatchalian na ngayong inalis na ng World Health Organization ang pagturing sa COVID -19 bilang global health emergency ay matututukan na ng gobyerno ang pagresolba sa learning crisis sa bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na batay sa mga pag-aaral, bumaba o naging mabagal ang kaalaman ng mga estudyante matapos matukoy na 90% ng mga estudyante ang hindi marunong bumasa at hindi nauunawaan ang kanilang binabasa.
Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na kailangang maghabol sa pag-aaral ang mga estudyante upang hindi mahirapan ang mga ito pagdating ng panahon.
Nais ng senador na buhusan ng pondo ang ‘tutoring’ para sa paghasa ng kaalaman ng mga batang nahirapang sumabay sa pagkatuto.
Ipinaliwanag ng senador na mahalagang matiyak na makakahabol sa edukasyon ang mga kabataan upang matiyak na makakapasok sila sa kolehiyo, makapagtapos, makakakuha ng magandang trabaho at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Sinabi pa ng mambabatas na bagamat maaari nang bumalik sa normal na pamumuhay ay alam naman ng lahat na hindi na mawawala ang COVID-19 at kailangang ang taumbayan na ang mag-adjust o mag-adapt sa naturang sakit. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News