dzme1530.ph

Operasyon ng NGCP, dapat silipin ng Kongreso

Kumbinsido sina Senators Win Gatchalian at JV Ejercito na kailangan nang magsagawa ng oversight committee hearing sa operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa gitna ng malawakang power outages sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Gatchalian na dapat silipin ang posibleng implikasyon sa national security ng rotating blackouts lalo na’t 40% ng NGCP ay kontrolado ng State Grid Corporation of China.

Sinabi pa ni Gatchalian na kapag nagkaroon ng alitan sa pagitan ng Pilipinas at China, hindi na kinakailangang magpadala ng bala o missiles sa bansa at sa halip ay papatayin lang nila ang kuryente natin.

Dapat anyang matiyak na sinusunod ng NGCP ang konstitusyon na dapat ang management ng power utilities ay nasa Pinoy pa rin.

Inalala naman ni Ejercito ang maging power outage sa Ninoy Aquino International Airport na anya’y maaaring maulit sa sandaling patayin ng China ang grid ng ating kuryente.

Inilutang din ni Ejercito ang posibilidad na ikunsidera ng gobyerno na bilhin at kontrolin nang muli ang NGCP. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author