dzme1530.ph

POGO related crimes, indikasyon ng operasyon ng organized crime groups sa bansa

Indikasyon ng operasyon ng mga organisadong grupong kriminal ang pagkakasangkot ng mga krimeng may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa mga kaso ng human trafficking.

Ito ang binigyang diin ni Sen. Sherwin Gatchalian batay na rin sa kumpirmasyon ng National Bureau of Investigation mula sa 113 POGO-related crimes na hawak ng ahensya mula Nob. 2019 hanggang Mar. 2023.

Sinabi ni Gatchalian na ito ay nakakabahala, nakakaalarma, at maaaring magkaroon ng malubhang implikasyon sa pambansang seguridad ng bansa.

Batay sa datos na ibinigay ng NBI, 65 ang mga kaso ng human trafficking sa 113 na POGO-related cases.

Bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, pinangunahan ni Gatchalian ang pagdinig sa senado hinggil sa implikasyon ng POGO sa ekonomiya at seguridad ng bansa kasunod ng maraming ulat ng krimen na nauugnay sa operasyon ng POGO.

Kasunod ng ilang mga pagdinig sa senado, nanawagan si Gatchalian para sa agarang pagsasara ng mga POGO sa bansa upang magkaroon ng kapayapaan at kaayusan at mapanatili ang paglago ng ekonomiya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author