Nais ni Sen. Raffy Tulfo na imbestigahan ng Senado ang anya’y anti-poor na proseso ng pagkuha ng driver’s license.
Sa kanyang Senate Resolution 577, isinusulong ni Tulfo ang mas accessible na proseso sa lisensya para sa mga mahihirap at mga limitado ang budget.
Nais busisiin ni Tulfo ang proseso ng pagkuha ng Theoretical Driving Course and Practical Driving Course sa isang LTO-accredited driving school, pagsasailalim sa medical exam upang makakuha ng medical certificate mula rin sa LTO-accredited clinic.
Sinabi ng senador na dapat matiyak na ang proseso sa driver’s license ay mabilis, abot-kaya at hindi mapapasukan ng mga fixers.
Layun din ng imbestigasyon na matukoy ang mga problema at bumuo ng posibleng solusyon sa shortage ng mga plastic card para sa pagi-issue ng lisensya.
Binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang imbestigahan ang mga insidenteng nakapaligid sa bidding sa mga plastic card gayundin ang mga plaka para maiwasan na maulit ang problema.
Nais ding imbestigahan ng Senador ang mga isyu sa proseso ng pagpaparehistro ng mga sasakyan, partikular na ang mandatory requirement ng Compulsory Third-Party Liability (CTPL) insurance para sa lahat ng may-ari ng motor vehicle sa Pilipinas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News