Patuloy na tumataas ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila.
Sa datos na inilabas ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, as of May 3 ay pumalo na sa 20.4% ang positivity rate sa National Capital Region (NCR) mula sa 14% noong nakaraang linggo.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Kaugnay nito, umakyat rin sa 18% ang nationwide positivity rate matapos makapagtala ng 1,190 na bagong kaso ng COVID-19.
Bahagya ring tumaas ang hospital occupancy rate sa bansa sa 25.5%.
Sa pagtaya ng OCTA, posibleng sumampa sa 1,300 hanggang 1,500 ang mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw.