Hinimok ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ang pamahalaan na bumuo ng mga polisya na hihikayat sa mga healthcare workers na manatili sa bansa sa halip na mangibang bansa kapalit ng magandang kapalaran.
Kasabay ito ng pagsusulong ng senador ang panukalang nagmamandato sa mga healthcare workers na magserbisyo muna sa bansa ng isang taonbago magtrabaho sa ibayong dagat.
Bagama’t anya maganda ang intensyon ng kanyang panukala para sa one-year medical service, mas mabuting ang mga healthcare worker mismo ang pipili na manatili na lamang sa bansa dahil sa kaya nating labanan ang magandang oportunidad na ibinibigay ng ibang bansa.
Aminado si Revilla na hindi makatanggi sa kaway ng dolyar ang maraming health care workers dahil hindi hamak na mas mabilis ang asenso sa ibang bansa kumpara sa sariling bayan.
Kaya isinusulong ni Revilla bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ang Senate Bill No. 1429 o ang ‘Kalusugan Ang Prayoridad Act of 2022’ upang mapag-ibayo pa ang mga benepisyo ng health care workers, maging pribado man o pampubliko.
Nakapaloob dito na ang isang health care workers ay magkakaroon ng 20% discount at exempted sa value-added tax (VAT) kung bibili ng gamot at iba pang medical supplies, accessories, at equipment.
Inihain din ni Revilla ang Senate Bill No. 2018 na naglalayong dagdagan ng P150 ang daily wage ng lahat ng manggagawa at kung maisasabatas ay makikinabang din dito ang mga health care workers. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News