Hiniling ni Sen. Francis Tolentino sa kaukulang kumite sa Senado ang pagsasagawa ng Inquiry in Aid of Legislation sa mga aksyon ng gobyerno upang maiwasan at makontrol ang posibleng outbreak ng Avian influenza virus sa bansa.
Sa kanyang Senate Resolution 589, sinabi ni Tolentino na dapat may malinaw at matatag na polisiya ang pamahalaan upang mapigilan ang posibleng outbreak ng animal diseases sa gitna ng hindi mapigilang importasyon ng poultry products.
Nagbabala ang senador na kung hindi ito mapipigilan ay posibleng tuluyang ikamatay ito ng local poultry industry.
Kailangan anya ang proactive legislative action upang mabawasan ang public health risk at maibigay sa local poultry sector ang sapat na suporta.
Sa datos, simula 2022 hanggang nitong February 9, siyam na rehiyon ang apektado ng Avian Flu kung saan naitala ang 300,000 poultry mortalities.
Una na ring nagbabala ang World Organization for Animal Health na posibleng maapektuhan ang international trade sa poultry meat at magdulot ng negatibong epekto sa ekonomiya ang Avian Flu.
Samantala, nagbabala si Tolentino na bukod sa nagsisilbing banta sa local poultry sector ang mataas na imbentaryo ng imported poultry products, inilalagay din nito sa posibleng panganib sa transboundary diseases ang mga consumer. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News