Dumating na sa Washington D.C., USA si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa nakatakdang bilateral meeting kay US President Joe Biden.
Pasado alas 5:30 ng hapon oras sa Washington o alas 5:30 ng umaga dito sa Pilipinas nang lumapag sa Joint Base Andrews ang eroplanong sinakyan ni Marcos kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, at Philippine Delegation.
Magpupulong sa White House ang Philippine at US president sa May 1, American Time, at kanilang pagtitibayin ang alyansa at relasyon ng dalawang bansa.
Tatalakayin din ang mga usapin sa rehiyon at pagtataguyod ng International Law, Human Rights, at malayang Indo-Pacific Region, pagpapalalim pa ng kooperasyong pang-ekonomiya, people-to-people ties, pag-iinvest sa clean energy at paglaban sa climate change.
Ang bilateral meeting ay susundan ng expanded meeting kasama ang mga miyembro ng gabinete, at makikipagpulong din ang pangulo sa major US companies.
Makikipagkita rin ang Pangulo sa Filipino community sa Washington bilang bahagi ng kanyang US trip hanggang May 4. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News